STORY: My First Tagalog Short Story 3

                Napadpad naman ang aming atensyon sa isang grupo ng mga estudyante na kapareho namin ng paaralan. Nakilala namin sila gawa ng uniporme. Mayroong silang kasama na tatlong lalaki na galing sa ibang paaralan. Malalaki ang katawan ng mga lalaking eto ngunit walang kahit isa sa kanila ang humingi ng extra rice at walang kahit isa sa kanila ang nakaubos ng kanilang ulam sa plato. Mas matindi naman ang mga babaeng ka-eskwelahan namin. Lamang pa yung inom nila kaysa sa sinubo nila. Napansin namin iyon nung nakailang balik na yung waiter sa pagrefill ng baso nila ng unlimited iced tea. Dahil mukhang wala naman magpapakuha ng kanin sa mga estudyanteng iyon, lumipat kami ni Joanna ng table na huhulaan. Napansin namin ang isang lalaki na mag-isang nagbabasa ng dyaryo sa isang lamesa na makikitaan ng kanyang plato na ulam na lang ang laman.


Photo from Google

Nairita kami kasi nagawa pa niyang magbasa ng dyaryo kaysa tapusin muna ang pagkain gayong madami pa ang nag-aantay na makakakain din. Hula ni Joanna na kukuha pa yung lalaki ng kanin, ang hula ko at hiling ko na din ay wag na siya humingi para makaupo na kami. Pero laking irita ko ng sumenyas yung lalaki sa waiter. “Nako naman si manong, ayaw talaga paawat!” sabi ko kay Joanna. Gutom na kasi ako tapos wala pa din sa mga tao sa restawran ang may planong tumayo. Napatingin uli ako doon sa manong dahil mukhang naririnig niya ako. Hindi pala siya nagpakuha ng kanin, pinabalot niya yung isa sa dalawang manok na kanyang inorder. Pagkakuha niya sa chicken na binalot sa dahon at nilagay sa plastic, tumayo siya at naglakad papuntang exit.
Photo from Flckr

Tumayo na din kami ni Joanna dahil kami na ang uupo sa tinayuan niya. Nagulat ako noong nilapitan ako ng manong at sinabihan ng, “Alam mo yung bata sa labas ng restawran na ito, araw-araw nilalaro yung nilalaro ninyo ng kaibigan mo. Pero hindi nila hinuhulaan kung sino ang hihingi uli ng kanin, hinuhulaan nila kung ilan sa mga manok na hindi nauubos ang pwede pa nilang makain.” Natahimik ako sa sinabi ng manong na iyon. Una, natakot ako dahil nilapitan ako ng hindi ko kakilala at napagsabihan pa. Pangalawa, nahiya ako bigla dahil baka may nakarinig noong sinabi sa akin noong manong. Nauna na kasi si Joanna sa lamesa kaya ako na lang ang naabutan ng manong na pagsabihan. Pangatlo, nagalit ako dahil anong karapatan niyang pagalitan ako sa harap ng ibang tao. Pagkatapos ako sabihan ng manong, bago pa ko nakasagot sa sinabi nya, lumabas na siya ng restawran at iniabot ang binalot na manok sa batang paslit sa labas. Hindi ako nakahingi ng extra rice noong araw na iyon.

No comments: