STORY: My First Tagalog Short Story 2

                 Noong nakaraang Lunes, magkasama kaming kumain ni Joanna sa isang retawran na, katulad na lang ata ng lahat ng ibang restawran, mayroong unlimited rice na offer. Nakakatawa nga dahil maraming kumakain sa mga restawran na ito at bumibili ng unlimited rice meal ngunit isang rice lang naman din ang kinakain. Akala ko noong una tanga yung mga may-ari ng mga restawran na nagpapamigay ng libreng kanin na sana ay napagkakakitaan nila ngunit mas tanga pala ang mga kumakain. Kapag gutom talaga ang tao, hindi na gumagana ang utak. Sa kasamaang palad, kinagat din naman naming dalawa ang kalokohang unlimited rice offer. Nakakatakot pala maging gutom, nakakain mo pati mga sinasabi mo.

Ang unlimited rice restaurant

Buong umaga kasi kami nalunod sa pagsusulit at group work na hindi lang pinasakit ang ulo namin, ay ginutom pa kami. Dahil nga mayroong unlimited rice ang kinakainan namin, madaming tao. Pinagpilitan na lang namin ni Joanna kumain doon dahil ang susunod na kainan na may unlimited rice ay malayo-layo pa. Minabuti namin na mag-antay na lang kami na mayroong tumayo sa kanilang lamesa para kami naman ang uupo. Naglaro muna kami ni Joanna sa may waiting area upang hindi mapansin ang gutom. Pinapanood namin yung mga kumakain at hinuhulaan namin kung sino sa mga ito ang hihingi uli ng rice sa waiter na mayroong bitbit na cooler na gawa sa styrofoam pero kanin naman ang laman. Napunta ang tingin namin sa isang magkasintahan na nakaupo sa may bandang salamin na parte ng restawran. Gawa kasi sa salamin ang isang buong pader ng lugar kaya nakikita ng mga tao sa labas ang nasa loob at nakikita ng mga tao sa loob ang nasa labas. Marahil ginawa ito para makatipid sa ilaw kapag umaga gawa ng liwanag na pumapasok sa lugar. Nakakailang nga lang kumain ng mayroong isang sambayanan na nakakakita sa iyo, lalo na’t humihingi ka pa ng extra rice. Ngunit hinulaan pa din namin yung magkasintahang iyon. Malay mo okay lang sa kanila na kita sila ng lahat ng dumadaan. Mataba yung babae at payat naman yung lalaki. Ang hula ko ay yung babae ang hihingi ng kanin at sabi naman ni Joanna yung lalaki daw. Noong nagsenyas na yung babae sa waiter, sabi ko sa sarili ko, “Tama ako!” ngunit laking gulat ko ng dalawang rice pa ang pinatakal nung payat na lalaki sa kanyang plato. Nasabihan pa tuloy ako ni Joanna ng “Yan kasi, don’t judge a book by its cover.” Sabi ko swinerte lang sya at baka kasi kanina pa nakakuha yung babae.

No comments: